Pinoy Eh! Online

Featured Organization - September '07

Home
Article Page
Features
News Reports
Photo Album Page
Mailbag
Contact Us
Editorial
Archives
Pinoy Newstand
Organizations

Volume 6 - Issue #4
Pinoy Eh! Online Edition
September 2006

PMSC-Pilipinong Migrante sa Canada
 
Sinulat ni Evelyn Tubongbanua

‘To organize, mobilize and educate’, ito ang pangunahing layunin ng grupong PMSC o Pilipinong Migrante sa Canada para sa libo-libo nating mga kababayan dito sa Ottawa. Maaaring mahirap abutin ngunit walang imposible para sa mga determinadong kasapi ng PMSC. Kahit pa nga kasagsagan ng winter o sobrang init ng panahon siguradong naroon pa rin sila at handang tuparin ang naumpisahang pakikipaglaban para sa kapakanan ng ating mga manggagawa.

Magmula nang maitatag ito noong 1996 ay nakasentro na ang kanilang atensyon para sa kapakanan at karapatan ng mga live-in caregivers. Sa simula ay nakilala sila bilang Philippine Multicultural Society of Canada, hanggang mapalitan ang kanilang pangalan noong 2000 at mas lalo pang lumawak ang kanilang sakop dahil hindi lamang mga live-in caregivers ang kanilang tinutulungan, bagkus ay maging ang lahat ng mga migranteng Pilipino.

Sa bawat proyektong kanilang inilulunsad, ay lagi nang kapakanan ng ating mga migranteng manggagawa ang nangunguna sa kanilang prioridad, kaya naman hindi na nakapagtataka kung umabot na sa 141 ang bilang ng kanilang mga kasapi sa kasalukuyan. Maaaring nakakalula na rin ang dami nila ngunit may higit na mas mahalaga para sa kanilang presidente na si Judylaine Payumo, "We are not really after the numbers only, but commitment is the best", ika niya. Bagay na sinang-ayunan naman ng isa sa kanilang board member na si Nona Grandea. "It’s easy to recruit but its difficult to make them active", aniya. Idinagdag din niya na kaya nagkakaroon ng orientation program para sa sinumang bagong kasapi ay upang magkaroon ng sariling kaalaman tungkol sa mga adhikain ng grupo. "We want them to take the principles to heart", sabi ni Nona. Ngunit inamin din niya na may kaakibat itong pagsubok tulad na lamang sa oras na maaaring ibigay ng bawat kasapi dahil halos lahat sa kanila ay nangangamuhan din. "Isa sa challenge namin ay ang oras nila para sa organisasyon dahil may mga among maluwag at marami din ang hindi nakakalabas ng ganoon kadali. We want it to be a more consolidated group, kaya kailangan naming ang patuloy nilang pakikilahok sa lahat ng aming mga proyekto", ang sabi pa ni Nona Grandea.

Isa sa kanilang regular na activities ay ang pagkakaroon ng film showing kada buwan. Ipinapalabas nila ang mga makabuluhang pelikula na tumatalakay sa mga usaping may kinalaman sa buhay-migrante. "It’s part of our program to educate them about the social issues affecting migrant workers and issues concerning our own country. And it is also our own way of building social ties among members", dagdag pa ni Nona.

Kung may regular na film showing, ay hindi rin mawawala ang ESL (English as a Second Language) lessons nila na tumatagal ng tatlong buwan. Maaaring maikli lang ang 12 Linggo subalit marami namang matututunan na epektibo rin lalo na sa wastong paggamit ng grammar. At kung nakatapos ka na sa ESL lessons nina Aimee Beboso at Joe Calugay, maaari ka namang turuan ni Raquel Fragante ng tamang paggamit ng computer. Matapos lamang ang ilang sessions ay matututuhan mo na rin ang ilang simpleng teknikal na kaalaman tungkol sa computer na maaaring gamitin sa pang-araw-araw na pamumuhay.

At para naman doon sa mga matatagal na dito sa ibang bansa, ay may nakalaan ding pagtuturo upang pagbalik-aralan ang ating pambansang kasaysayan. Siguradong marami na din sa atin ang nakalimot na sa kasaysayan at kultura ng bayang ating sinilangan, kaya’t isang paraan na din ito upang muli tayong magbalik-tanaw sa ating pinanggalingan.

Lahat ng nabanggit ay pumapailalim sa aspetong pang-edukasyonal na layunin ng Pilipinong Migrante sa Canada. Ngunit ang pinakamahalagang matututunan natin sa PMSC ay ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating mga trabaho lalo na sa pag-aayos ng ating mga papeles sa Immigration, working permits at marami pang iba na siyang kailangan lalo na ng mga live-in caregivers. Sa bagay na ito, ay hinding-hindi ka bibiguin ni Joan Bunconsejo na isa ding kasapi ng board of directors. Anumang payo at tulong ay hindi ka niya pagkakaitan lalo na sa pag-aayos ng mga kakailanganing dokumento. "Alam kong karamihan sa atin ay hindi well-informed tungkol sa mga bagay na ito kaya’t sinasagot ko ang kanilang mga tanong sa abot ng aking makakaya, kahit pa nga hindi member ng PMSC ay natutulungan din namin sa bagay na ito", ang sabi ni Joan. Hindi lamang ‘yan, kung sakaling mawalan ng among mapaglilingkuran ay matutulungan ka ni Joan sa paghahanap ng ibang mapapasukan.

Kung nais mo namang malaman ang pangkasalukuyang kaganapan sa ating komunidad ay may newsletter din ang PMSC. Matutunghayan mo sa ‘Tinig ng Bayan’ ang iba’t-ibang mga usapin na may kinalaman sa ating mga migranteng manggagawa. Regular na lumalabas ang kanilang newsletter tuwing ikatlong buwan. At ito ay dahil na rin sa walang-sawang pagtulong ng kanilang editor na si Joe Calugay, idagdag pa dito ang sipag at tiyaga ng kanilang mga contributors.

Talaga namang hindi paaawat ang Pilipinong Migrante sa Canada dahil maari din nila kayong tulungan sa paggawa ng inyong tax papers. Umaabot sa 30 migrante ang kanilang natutulungan bawat taon para sa kanilang tax preparation. Sumisingil sila ng $5 para sa mga kasapi at $15 naman sa mga hindi kasapi. "Isang paraan din ito upang madagdagan ang aming pondo", ang sabi ni Judylaine.

Kahit pa nga iba’t-ibang proyekto ang nakalaan para sa kagalingan ng kanilang mga kasapi, ay hindi naman nila nalilimutan ang pang-pulitikal na aspeto ng buong grupo. "Lagi naming binibigyang-pansin ang mga usaping nangyayari sa ating bayan tulad na lamang ng human rights situation doon. We support the ‘Stop the Killings’ campaign sa abot ng aming makakaya", dagdag ni Judylaine. Katunayan, sila ang naging punong abala sa ginanap na forum tungkol sa usaping ito noong nakaraang Marso na dinaluhan ng mga piling delegado mula pa sa Pilipinas. Bukod dito ay nangalap din sila ng mga signatures bilang pagsuporta dito at nagpalabas din sila ng isang statement noong nakaraang Independence Day bilang pagkondena sa nagaganap na patayan sa ating bansa.

May mga pagkakataon din na dumadalo sila sa ilang mga forums na ginaganap sa ibang parte ng Canada tulad ng Toronto kung saan tinatalakay ang mga usaping may kinalaman sa mga kababaihan at mga live-in caregivers. Nakikilahok pa sila sa mga rally na may kinalaman sa ating mga manggagawa at nitong nakaraang September 7 ay lumahok sila sa isang protest rally bilang pagsuporta sa ‘Free Prof. Sison Now! na dinaluhan din ng mga organisasyong nanggaling pa sa Montreal.

At dahil sa kanilang pakikiisa sa mga usaping ito ay hindi maiwasang matawag silang mga radikal dahil na rin sa kanilang mga ipinakikipaglaban. "We want to change things and that’s what we are. We will fight for changes", ang sabi ni Nona Grandea. Pumangalawa din si Judylaine sa pagsasabing naiiba ang grupong Pilipinong Migrante sa Canada. "We are different from the traditional social organizations because we are more leaning on political issues like the challenges faced by the migrant workers such as family separation", ang sabi niya.

Hindi rin naman sila puro trabaho na lang, may oras din silang magsama-sama upang magkaroon ng kaunting kasiyahan. Isa na dito ang kanilang taunang camping, pamimitas ng mansanas at pagpunta sa Hershey’s Chocolate Factory sa Smith Falls. Sinisikap din nilang makilahok sa taunang selebrasyon ng Philippine Independence Day sa Vincent Massey Park at siyempre nariyan din ang kanilang taunang Christmas Party.

Tulad ng ibang organisasyon, ang PMSC ay isang non-profit na samahan. Kinukuha nila ang kanilang mga pangunahing gastusin sa kanilang annual membership fee na $5. Ang nasabing halaga ay kailangang I-renew ng lahat ng kasapi taun-taon. Ngunit hindi dito natatapos ang pagkalap ng kanilang pondo. Lumalahok sila sa taunang Glebe Garage Sale tuwing Mayo. Sinumang kasapi ay maaaring magbigay ng anumang bagay na hindi na nila kailangan ngunit maaari pang ibenta. At pag nakalap na ang lahat ng ito ay kanilang ibebenta sa takdang panahon upang maidagdag sa kanilang pondo. May ilang kasapi na may kaunting kaalaman sa paggamit ng instrumento at ang iba naman ay sanay kumanta. Kaya’t nagagamit nila ang mga talentong ito tuwing Pasko sa pangangaroling. Enjoy na sila, nakakatulong pa sila sa pagdadagdag ng kanilang puhunan. Tuwing Independence Day din ay nagbebenta sila ng mga T-shirts na may logo ng PMSC. Ang konting kinikita dito ay pandagdag na din sa kanilang kaban ng yaman. Isa pang pinangggalingan ng kanilang pondo ay ang lumalabis sa pagdaraos ng kanilang taunang Christmas Party. "Maliit lang kung tutuusin, pero pag pinagsama-sama ay sapat na rin para sa aming mga makabuluhang proyekto", sabi naman ni Judylaine Payumo.

Wala ka na talagang hahanapin pa, kung serbisyo din lang ang pag-uusapan, sila ang nangunguna. Kung wala kang matutuluyan, maaari din silang kanlungan. Sa bawat proyektong kanilang inilulunsad, marami kang matututunan. Sa pakikilahok mo sa mga usaping pang—migrante, iniaangat mo ang iyong sarili. Dahil iyan ang layunin ng PMSC, ang lahat ng kanilang pagsisikap ay para sa kapakanan at karapatan ng ating magigiting na migranteng manggagawa.

- Evelyn Tubongbanua

evelynpixbwrgb.jpg

ABOUT THE WRITER:

Evelyn is a migrant worker from Hongkong where she was a contributing writer during her free time. She covered sports, news and featured articles in HK’s The Sun newspaper for 5 years.

Click on picture to resize
 
 

Conducting information session for its members.
pmsc-web1.jpg

Horizontal Divider 14

pmsc-web2.jpg

Horizontal Divider 14

Volleyball Tourney - June 2007
pmsc-web3.jpg

Horizontal Divider 14

PMSC with Ottawa Mayor Larry O' Brien
pmsc-web5.jpg
during the Independence Picnic at Vincent Massey Park.

Horizontal Divider 14

Taking a break for more photo op
pmsc-web4.jpg

Horizontal Divider 14

 PMSC
Pilipinong Migrante sa Canada

Board of Directors

Joan Bunconsejo

Raquel Fragante

Nona Grandea

Roberto Hipolito

Judylaine Payumo

PMSC Website – pmscontario.tripod.com

PMSC email address – pmsc@geocities.com

Ottawa, Ontario CANADA

Feedback, submissions, ideas? Email editorial@pinoyeh.com