Walang katapusang pagtaas ng presyo ng gasolina na kaagad na susundan ng pagtaas ng mga
bilihin, kuryente, tubig, pamasahe, at iba pa. At kamakailan lamang ay may dagdag na bayarin na naman sa tuwing mamimili dahil
sa EVAT o expanded value added tax. Talagang pabigat na ng pabigat ang krus na pinapasan ng mga mamamayang Pilipino. Kahit
na ano pang pagsisikap ang gawin ay hindi pa rin makaahon si Juan dela Cruz sa hirap ng buhay na dinaranas. Ngunit hindi lamang
silang mga kababayan natin na nasa Pilipinas ang siyang nahihirapan at nagdurusa. Katunayan, ang mga Pilipinong nasa abroad
na siyang sumusuporta sa pamilyang naiwan ay apektado rin ng lumalalang krisis sa ating bansa. Sa bawat pagdaing ng kanilang
mga mahal sa buhay, lagi nang nananaig ang kagustuhang matugunan ang lahat ng kanilang mga pangangailangan kesehodang mag-doble
ng trabaho at tipirin ang sarili.
Sa gitna ng krisis na kinakaharap ng ating bayan, sumasapat pa ba ang perang ipinadadala
ng mga migranteng manggagawa para sa kanilang mga mahal sa buhay?
$500 kada buwan ang ipinapadala ko sa amin ngunit kulang pa rin ito sa kanila," ang may
katiyakang sabi ni Josie Villanueva. Aniya, para lang ito sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya at ang nakakalungkot
pa daw, ay puro daing lang ang kanyang maririnig tuwing tatawag siya sa Pilipinas dahil hindi talaga sumasapat. Kaya naman,
hindi raw siya makaipon dahil siya lang ang tanging inaasahan.
Dalawang pamangkin naman ang sabay na pinag-aaral ni Nelia Porfura sa kanilang bayan.
Bukod pa dito ay nagpapadala din siya ng panggastos sa kanyang mga kapatid. "Kahit may kaunting kinikita sila doon ay kulang
at kulang pa din kaya’t kailangan ko silang tulungan sa kanilang pamumuhay," ang sabi niya. Aniya, kalahati ng kinikita
niya ay sa Pilipinas napupunta at may mga pagkakataon din daw na nagdadagdag pa siya dahil sa hindi maiwasang mga pangangailangan.
"Kung malaki ang kailangan nilang pera, siyempre kailangan ko ding dagdagan ang pagkayod ko ditto."
Ganito din ang naging pahayag ni Rose Esguerra patungkol sa kanyang buwanang remittance.
"Pag dumaing sila sa Pilipinas, nararapat lang na dagdagan ko ang padala kaya’t ang nangyayari tuloy ay ako ang kinakapos
sa budget, dahil nagbabayad pa din ako sa ginastos ko sa pagpunta dito," sabi ni Rose. "Limang taon na ako sa abroad pero
wala pa din akong naipon dahil sa akin nakaatang lahat," ang hinaing pa niya.
May pinag-aaral ding mga kapatid si Alfa Grace Canay kaya’t aniya ang $600 na padala
niya sa kanyang pamilya ay kinukulang pa din. "Lahat sila ay sinusuportahan ko dahil kaya nga ako nag-abroad ay para makatulong.
Kasi kung aasahan ang kita nila ay hindi talaga kasya," ang sabi ni Alfa Grace.
Nakiisa din si Maria Azucena Cortes sa kanilang mga pahayag. "Kahit magpadala ako ng
malaki ay kulang pa din dahil kaunti lang ang katumbas ng perang ipinapadala ko at talagang pinagkakasya lang nila." sabi
niya.
Kahit pa daw mag-remit ng malaki si Marilou Lepage sa Pilipinas ay puro reklamo pa ang
kanyang maririnig mula sa kanyang pamilya. "Kahit padala ka ng padala, kulang pa din, kesyo mataas ang bilihin," aniya. "Halos
hindi na rin mag-pang-abot ang kanilang gastusin at kahit anong pagtitipid pa ang kanilang gawin ay hindi pa din sapat."
Siyempre, kung kailangan ng mas malaking ire-remit sa mga kamag-anak, mas lalong kailangan
nating magdoble ng trabaho," ang sabi ni Judylaine Payumo dela Cruz. Aniya, ang mga live-in caregivers ang palaging dehado
dahil limitado ang kanilang karapatan. At dahil sa laki ng gastusin ng kanilang mga pamilya, napipilitan ang marami na magtrabaho
ng patago. "Suwerte kung walang magsusumbong, pero kung may maiinggit, malamang na mapahamak pa ang kanilang trabaho," dagdag
pa niya.
Kahit na nga sabihan pa nila ang kanilang mga pamilya na tipirin ang bawat sentimong
kanilang pinaghirapan ay talagang kulang at kulang pa din dahil sa hirap ng buhay sa atin. Kaya’t ang mga kawawang migrante
ang siyang labis na nagsasakripisyo para sa pag-sulong ng ating ekonomiya. At sa pagpasok ng taong 2006, marami sa kanila
ang nagpahayag na hindi na talaga makakaahon ang ating bayan ngunit may iba rin naman na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa.
Ayon kay Analyn Francisco, kung may kooperasyon ang bawat isa lalo na ang mga namumuno
sa ating gobyerno ay malaki pa ang pag-asa na umusad tayo. Ngunit bukas naman ang kanyang mga mata sa katotohanang kadalasan
ay hindi sumusunod sa patakaran kaya daw lalong lumalala ang problemang kinakaharap ng ating bayan.
Malaki pa ang pag-asa ng ating bansa kung babaguhin ang sistema sa ating gobyerno," ang
sabi naman ni Marilou. "Kaya nga lahat ay napipilitan nang pumunta sa abroad dahil kahit anong kayod sa ating bansa ay talagang
hindi kayang mabuhay sa kakarampot na suweldo."
There’s always hope for us that’s why we are here to support our families
so does with our government," ang sabi naman ni Maria Azucena. Ngunit inamin din niya na kailangan munang magkaroon ng malakihang
pagbabago sa ating gobyerno tungo sa isang maunlad at matiwasay na pamahalaan.
Para naman kay Josie, tayong mga OFWs ang tanging pag-asa ng ating bayan. "Kaya ako nasa
abroad ay dahil sa hirap ng buhay at halos lahat ng tao sa Pilipinas ay gusto na ring lumabas ng bansa."
Ganito rin ang naging pahayag ni Alfa Grace ngunit may maganda siyang mungkahi para sa
lahat, "May pag-asa pa kung mag-a-abroad ang mga tao at sa kanilang pag-uwi ay saka nila ipupuhunan ang kanilang mga naipon
sa ating bayan. Basta may tiyaga, ay makakaya nating harapin ang lahat," ang sabi niya
Salungat naman si Nelia dito, "Imposible na tayong makaahon sa hirap at habang-panahon
na nating dadalhin ang krisis na ito," aniya. "Halos itulak na nila sa abroad ang mga Pilipino dahil ang perang ipinapadala
ng mga OFWs ang siyang nagpapatakbo ng ating ekonomiya."
Halos ganito din ang naging pahayag ni Judylaine. Aniya habang ang kasalukuyang sistema
pa rin ang umiiral sa ating bansa, ang mga Pilipino ay mananatiling walang pag-asa, bagkus ay mananatili na lamang daw na
dedepende sa mga kamag-anak na nasa abroad. Idinagdag pa niya na ang tanging solusyon ng mga kababayan natin ay ang magtrabaho
sa ibang bansa upang makaangkop sa mataas na antas ng pamumuhay. "Hindi na commodities ang ini-export ng ating bayan kundi
mga tao na (human resources)."aniya.
Sa kabila ng kanilang mga hinaing ay tuloy pa din sila sa pagkayod sa malayo at pilit
na kinakaya ang anumang hirap sa pangangamuhan. Dahil kaligayahan na nila ang makatulong at itaguyod ang kinabukasan ng kanilang
mga mahal sa buhay.
Hindi ko kikitain sa Pilipinas ang suweldo ko dito at kaya ako nag-abroad ay upang matugunan
ang kanilang mga pangangailangan," ang sabi ni Analyn na halos tatlong taon nang nagtatrabaho sa ibang bayan.
Para naman kay Maria Azucena, masuwerte na rin daw siya at napunta siya sa abroad dahil
kahit paano ay nakatulong siya sa kanyang pamilya sa loob ng siyam na taon niyang pagkukuskos.
Abut-abot din naman ang pasasalamat ni Nelia at nabigyan siya ng pagkakataong makarating
sa Canada. "Kahit hirap, pipilitin kong maka-survive dito para na din sa pamilya kong umaasa sa akin."
Mahal ang ganito, mahal ang ganoon", ito ang pangkaraniwang maririnig na daing mula sa
kanilang mga mahal sa buhay. Tunay na masakit sa tainga kung paulit-ulit na lamang na ganito, ngunit wala silang magagawa,
dahil bilang mga ‘breadwinner’, lahat ay kanilang haharapin para sa isang mas maalwang pamumuhay ng kanilang mga
pamilya.
-Evelyn Tubongbanua